Testimonya ng Buhay ni Nelson D. Mendoza  Noong ika-8 ng Enero, taong 1967 ng masilayan ko ang unang liwanag sa Barrio ng Tumbaga Bilang I, Sariaya, Quezon. Pang lima ako sa pitong anak ng mag-asawang mahirap… magbubukid… magsasaka. Sa murang gulang ko na anim na taon, ay naunawaan ko na, na ang buhay ay isang pakikibaka. Sa aking unang baytang ng pag-aaral ay pinaunawa na sa akin ng aking mga mahal na magulang ang kahalagahan ng edukasyon at pagsusumikap.
Ang kahirapan ng buhay ay hindi ko ininda, pati na ng aking mga kapatid dahil sa paniniwalang ang aming pag-aaral ang magpapabago sa mahirap naming katayuan sa buhay. Noong nasa high school ako, ay kinakailangan kong gumising ng maaga, maglakad ng humigit kumulang sa limang kilometro marating ko lang ang paaralan ng Sariaya, Institute, dahil wala pang public high school ng panahong iyon. Naalala ko pa sa tuwing sasapit ang mga periodical exams, kailangan kung pumila sa promissory note, dahil sa mga oras na ‘yon, ang aking mga magulang ay naghahanap pa ng perang itututos sa aking pag-aaral. Lagi kong tinatandaan ang mga paunawa ng aking mga magulang, na bigyan ko ng halaga ang edukasyon dahil ito lamang ang pwede nilang ipamana sa akin. Ang edukasyon daw kasi ay hindi pwedeng hingin, hiramin o nakawin, at ang mga iyan ang ilan sa mga paalala nila. Hanggang sa aking paglaki, lagi kong iniisip ang halaga ng edukasyon. Sa awa ng Diyos, sa sipag ng aking mga magulang sa tulong ko na rin sa aking sarili ay natapos ko ang aking pag-aaral. Sa pamamagitan ng tulong-tulong na pagsisikap, namasukan ako bilang isang katulong, taga paglinis at taga pagkahon ng mga sapatos sa isang pagawaan sa Biñan, Laguna. Araw at gabi ay di ko ininda, makaipon lamang ng sa ganun ay maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Batid ko na marami pang pagsubok sa buhay ang aking haharapin, subalit buo ang aking kalooban sa haharapin ko ang anumang balakid, lahat na yata ng hirap ay pinagdaanan ko na, noong ako pa man ay isang bata. Sa sarili kong pagsisikap at sa tulong ng ilang malalapit na kaibigan, ay nakapagtayo, ako ng isang CSTC Computer Systems Technology Center sa Sta. Rosa Laguna, na ngayon ay mas kilala bilang CSTC Computer Systems Technological College Inc. Makaraan ang isang taon, dahil sa isang kaibigan na naglapit sa akin sa bayan ng Atimonan, nagkaroon ako ng isa pang paaralan at ito ay nabuksan sa looban ng Leon Guinto Memorial College kung saan inako nila ako bilang isang tunay na kapatid, kaibigan. Makaraan ag humigit kumulang na dalawang taon naisip kong mag bukas sa aking bayang tinubuan. At ito ay sa Sariaya, Quezon dahil sa gusto kong higit na maglingkod at makatulong sa aking mga kababayan, higit sa lahat sa mga mahihirap na kabataan na gustong magpag-aral. Sa kasalukuyan ay buong puso kong ipinagmalaki ang aking sinimulan na ang layunin ay makatulong sa mga kabataan na tulad ko ring nangarap, nagpupunyagi na matulungan din ang kanilang mga magulang at mga kapatid. Sa ngayon humigit kumulang sa isang daang kabataan ang aking nabigyan ng libreng pag-aaral sa aking paaralan, samantalang ang mga nagsisipagtapos naman ay hinahanapan ko ng empleyado, sa katunayan nga ay may mga graduates ako na nasa abroad na sa kasalukuyan. Buong pagpapakumbaba at ipinagmamalaki ko na sa kasalukuyan ang aking paaralan ay isa sa “Fastest Growing Technological Institution” sa buong lalawigan ng Quezon. Sa aking katayuan ngayon, taas noo kong sasabihin na ang lahat ng aking mga nakamit ay bunga ng isang marangal na pagsusumikap… Para sa akin, hindi sagabal ang kahirapan upang makamit ang magandang buhay sa kinabukasan. Ang mga pagsubok sa buhay ay magandang oportunidad upang patunayan sa ating sarili, na tayo ay may mga positibong magagawa at maiaangat ang antas ng ating pamumuhay. Ang kahirapan ng buhay ang nagsilbing inspirasyon ko upang magsumikap. Hindi ako bumigay, bagkus pinagsumikapan ko na tahakin ang mahirap na landas ng buhay, dahil naniniwala ako na sa dulo ng landas na iyon, naroon ang liwanag. At tunay nga! Muli kong nasilayan ang panibagong liwanag ng buhay…Buhay na maligaya… Buhay na punong-puno ng pag-asa. Ngayon, ang aking CSTC Computer System Technological College Inc., ang “Legacy” na gusto kong ibahagi sa ating mga mahihirap na kabataan. Minsan sa buhay ko, katulad rin nila ako. Ang testimonya ng buhay ko… sana’y maging inspirasyon nila. Walang buhay na mahirap kung magsusumikap. Ganyan ang hamon ng buhay…patuloy ang pakikibaka…patuloy ang laban…subalit sa dako pa roon, magwawagi ka kabataan! |